Thursday, January 10, 2013

Bakit Sinusuportahan ng WWF ang Renewable Energy?


WWF: 100 porsyentong renewable energy pagsapit ng 2050


Ang WorldWildlife Fund for Nature (WWF) ay nagbibigay ng kaukulang pagsuporta at naglulunsad rin ng mga kaakibat na inisyatibo upang ipagsulong ang higit na malawakang paggamit ng renewable energy. Para sa organisasyon, sadyang kinakailangan na ng planeta ang tuluyang pagpapalit ng mga nakaugaliang anyo ng enerhiya dahil ang mga ito ay hindi sustainable. Sa halip, nararapat na gamitin lamang ang renewable energy para sa mga pangangailangan sa enerhiya ng mundo. Para sa WWF, ito lamang ang magsisilbing paraan upang maiwasan ang mga pinakamalubhang epekto ng climate change – at ang pagbabagong ito ay kinakailangan na sa lalong madaling panahon.


Ayon sa mga pag-aaral, ang planeta ay nasa rurok na ng extraction o paghugot mula sa ilalim ng lupa, kung ang pag-uusapan ay ang mga fossil fuels, tulad ng petrolyo at gas. Ibig sabihin, higit na lumalalim ang kinakailangang hukayin, at higit na lumalayo sa kumbensyonal na pamamaraan ang ginagagamit para rito (katulad ng shale extraction at fracking).

Sa kasamaang palad, ang mga ito ay pawang may hindi magagandang epekto sa kalikasan at lipunan. Ang likas na supply ng carbon (coal) ay sasapat pa rin, subalit kahit ito ay hindi kaiba sa pagkakaroon ng hindi magandang epekto sa klima ng mundo. Samakatuwid, hindi na katanggap-tanggap ang patuloy na paggamit ng mga fossil fuels lalo pa kung ito ay patatagalin hanggang sa hinaharap.

Pagsapit ng taong 2050, ang mamamayaning anyo ng enerhiya ay ang kuryente. Nangangahulugan ito na kinakailangan ring magkaroon ng isang mahusay na sistema upang mai-transport ang kuryente sa mga konsyumer; samakatuwid, kinakailangan rin ang mga investment para sa mga makabagong “intelligent” electricity grids.

Ang kuryente ay mahalaga sa pagpapatakbo ng mga pangunahing serbisyo katulad ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Subalit sa kasulukuyan, tinatayang may 1.4 bilyong katao sa buong mundo ang wala pa ring maasahang mapagkukunan ng kuryente, habang may 2.7 bilyong katao ang gumagamit pa rin ng mga anyong biomass na hindi sustainable para sa pagluluto at paghahanda ng pagkain. 

Dala nito, aabot sa 2 milyon ang namamatay kada taon mula sa paglanghap ng nakalalasong usok mula sa mga makalumang kalang ito. Sa kasamaang palad, dahil tinataya ng mga pag-aaral na dodoble ang antas ng demand sa enerhiya sa buong mundo pagsapit ng 2050, masasabing ang mga kundisyong ito ay lalo pang lalala sa pagdaan ng panahon.


Sa pamamagitan ng pag-aaral ng WWF na inilimbag bilang, “The Energy Report: 100% Renewable Energy by 2050”, nagbibigay ang organisasyon ng sampung rekomendasyon upang makamit ang hangarin para sa isang hinaharap na tuluyang gagamit ng renewable energy para sa mga pangangailangan ng mundo[1].

1.    Malinis na enerhiya – Ipakilala lamang ang mga pinakamahuhusay na produkto. Linangin ang mga kasalukuyan at bagong anyo ng mga bukal ng renewable energy upang matugunan ang magiging pangangailangan pagsapit ng taong 2050.

2.    Mga grid – Makipagpalitan ng malinis na enerhiya sa pamamagitan ng mga grid at kalakalan, at paghusayin ang paggamit ng mga bukal ng enehiyang sustainable na matatagpuan sa iba’t-ibang lugar.

3.    Access – Tapusin na ang kahirapan sa enerhiya sa pamamagitan ng paglilinang ng malinis na kuryenye at mga gawaing sustainable sa mga developing countries, katulad halimbawa ng paggamit ng tamang uri ng mga kalan.

4.  Pera – Mag-invest sa mga produkto at gusaling renewable, malinis, at energy-efficient.

5.   Pagkain – Huwag mag-aksaya ng pagkain. Hangga’t maari ay piliin lamang ang mga pagkaing mula sa pagprosesong sustainable upang magkaroon pa ng mga lupain para sa kalikasan, sustainable forestry, at produksyon ng mga biofuel. At dahil ang lahat ay may karapatan sa pagkakaroon ng sapat na nutrisyon ng protina, kinakailangang bawasan ng mga nakaluluwag na tao ang pagkonsumo ng karne.

6.  Materyales – Reduce, re-use, recycle. Kinakailangan ito upang mabawasan ang bulto ng tinatapon at upang hindi masayang ang enerhiya. Mahalagang linangin ang mga materyal na durable, at gayundin ang umiwas sa mga kagamitang hindi kinakailangan.

7.    Transportasyon – Kinakailangan magbigay ng mga insentibo upang maengganyo ang mga taong gumamit ng pampublikong transportasyon, at gayundin ang mabawasan ang distansya ng pagbyahe. Hangga’t maaari ay isulong ang elektripikasyon, at gayundin suportahan ang mga pagsasaliksik tungkol sa hydrogen at iba pang mga maaaring alternatibo para sa paglalayag at pagpapalipad.

8.    Teknolohiya – Isulong ang mga planong pambansa, bilateral, at multilateral na nauukol sa pagsasaliksik at paglilinang ng enerhiya at renewable energy.

9.  Sustainability – Linangin at ipatupad ang striktong mga pamantayan upang maseguro na ang renewable energy ay nakaayon pa rin sa mga layuning pangkalikasan at panglinang.

10. Pakikipag-ugnayan – Magbigay-suporta sa mga agreement na nakatuon sa klima at enerhiya upang makapagbigay ng pandaigdigang pagbabantay at maisulong ang pandaigdigang kooperasyon at pagpupunyagi sa renewable energy.








[1] Salin sa Filipino mula sa The Energy Report: 100% Renewable Energy by 2050. (2011): 8-9. Web

No comments:

Post a Comment