Monday, January 14, 2013

Bakit Mahalaga Ang Geothermal Energy?


Geothermal Energy: Likas na Yaman ng Pilipinas

Paunang paunawa para sa mga hindi pa nababasa ang blog na ito mula sa kauna-unahang post: ang Southern Bicol Geothermal Project o SBGP ay ang proyekto ng pamahalaang Pilipino, sa pamamagitan ng Department of Energy, upang alamin at tiyakin kung mapapakinabangan nga ba para sa ikabubuti ng nakararami ang geothermal potensiyal sa mga lugar na nakasaad sa Geothermal Service Contract o GRESC na iginawad ng DOE sa SKI. 

Gawa ng pagiging prominente ng Bulkang Bulusan at Bulusan Volcano Natural Park sa Sorsogon, naidikit sa Southern Bicol Geothermal Project ang mga hindi opisyal na alias na tulad ng Bulusan geothermal, Bulusan geothermal plant, Bulusan geothermal project at geothermal exploration Bulusan, Sorsogon.

Ang naturang service contract ay nasa mga munisipalidad ng Juban, Irosin at Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon, sa Bicol region. Ang GRESC ay naaayon sa mga plano ng pamahalaan na itaguyod at palawakin ang paggamit ng renewable energy, bilang hakbang tungo sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pag-gamit ng fossil fuels na nagbubuga ng carbon na bukod sa  nagpapadumi ng kapaligiran, ay sanhi rin ng pagkakabuo ng greenhouse gases. Ang greenhouse gases ay itinuturo bilang sanhi ng hindi regular na pagbabago ng klima sa buong mundo. 





Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap sa ngayon ng Southern Bicol Geothermal Project o SBGP, kritikal na maunawaan ng lahat kung ano ang halaga ng geothermal energy.  

Pumapangalawa lamang ang Pilipinas sa Estados Unidos sa laki ng nalilikhang enerhiyang geothermal sa buong mundo. Natural na mayaman ang bansa sa bukal ng enerhiyang geothermal, dala ng sitwasyong geologiko nito. Sa kasalukuyan, ang  kabuuang pagtataya para sa geothermal na potensyal ng bansa na hindi pa nalilinang ay humigit-kumulang 2,600 MW[1], habang ang installed generating capacity ay tinatayang nasa 1,904 MW[2],[3]. Para sa susunod na sampung taon, may mga iminimungkahing mga plano upang linangin ang mga lugar na kinakitaan ng mga bukal at tinatayang mapupunan ng mga ito ang 1,200 MW ng kabuuang nalalabing potensyal ng bansa. Samantala, 610 MW ng mga planong ito ay kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng service contract na iginawad sa Philippine National Oil Corporation-Energy Development Corporation (PNOC-EDC) na pagmamay-ari ng pamahalaan[4].


Sa ilalim ng Renewable Energy Act of 2008, ang geothermal energy ay kinikilala bilang isang mahalagang bukal ng renewable energy na maaaring gamitin para sa pangangailanga ng bansa sa enehiya. Ito rin ay kinikilala bilang “Green Energy” na makapagbibigay ng alternatibo sa mga konsyumer para sa isang uri ng enerhiya na hindi mapaminsala sa kalikasan. Malinis ang geothermal energy sapagkat hindi kinakailangan ang pagsusunog ng mga fossil fuels na katulad ng sa mga kumbensyonal na planta. Ang natural na init na nagmumula sa mundo ay siyang pangunahing mahalagang sangkap para sa geothermal energy, at ang init na ito ay hindi mauubos sa madaling panahon. 1/6 lamang ng carbon emissions ng mga pinakamalilinis na fossil fuel-based power plants ang nalilikha ng mga plantang geothermal, at kaunting-kaunti lamang ang nalilikha nitong nitrous oxide at mga sulfur-bearing na gas[5]. Ang mga geothermal energy plant ay hindi rin tumitigil sa produksyon ng kuryente hangga’t may init at singaw na maaaring makapagpatakbo sa turbina ng planta.


Ayon sa datos ng Department of Energy noong 2001, 22.2 porsyento ng kabuuang power mix ng bansa ay nagmula sa enerhiyang geothermal. Habang pinupunan nito ang bahagi ng pambansang pangangailangan sa kuryente, tinutulungan rin nitong makatipid ang bansa ng foreign exchange dala ng pagpapaliit ng pangangailangan sa pag-aangkat ng mga fossil fuel[6]. Para sa susunod na sampung taon mula 2003, tinatayang mapupunan ng geothermal energy ang pangangailan sa pag-aangkat ng petrolyo na aabot sa 25 MMBFOE kada taon – kung ibabatay sa presyo ng petrolyo na US$25 kada bariles, katumbas nito ang matitipid na foreign exchange na aabot sa US$588.4 milyon.


Tinataya ng DOE na upang matugunan ang mga pangangailangang ito, kinakailangan makapaghukay ng aabot sa 36 mga production wells kada taon, at 25 dito ay layong linangin ng PNOC-EDC habang ang nalalabing 11 ay nakatuon sa pagpipinansya ng pribadong sektor. Sa kabuuan, kung maisasakatuparan ay makapagbibigay ito ng karagdagang 0.8 porsyentong geothermal energy production mula sa 14.1 TWh (2003) sa 15.1 TWh (2012)[7]. Kaakibat nito, mapapalitan rin ang pag-aangkat ng petrolyo at aakyat ang matitipid ng bansa mula sa 23.5 MMBFOE (2003) tungo sa 25.2 MMBFOE (2012)[8], katumbas ng US$6.2 bilyon sa matitipid na foreign exchange. Bukod sa Southern Bicol Geothermal Prrjoect ng SKI-CGI sa lalawigan ng Sorsogon, may mga iba pang proyektong geothermal na isinusulong ang pamahalaan katulad ng 80 MW Northern Negros plant sa Negros Occidental at Palinpinon 40 MW optimization project ng PNOC-EDC.






[1] "Geothermal Energy." DOE Portal. Department of Energy, 2005. Web. http://www.doe.gov.ph/ER/geothermal.htm
[2] "Geothermal use around the world." Davies Smith Blog. Davies Smith Developments,  Web.. http://blog.davies-smith.com/geothermal-use-around-the-world/
[3] La ViƱa, Antonio. " Geothermal rising." Manila Standard Today. Manila Standard.  Web. http://manilastandardtoday.com/2012/09/15/geothermal-rising/
[4] "Geothermal Energy." DOE Portal. Department of Energy, 2005. Web. http://www.doe.gov.ph/ER/geothermal.htm
[5] Ibid.
[6] Ibid.
[7] Ibid.
[8] Ibid.

No comments:

Post a Comment